Pihadong lugi ang aabutin ng mga taga-Talipapa ngayong panahon dahil sagana sa gulay at prutas ang mga bakuran ng bahay sa Hinugusan.

Napakalinis ng kalangitan tuwing tutulay ang mga araw sa Agosto. Hindi naiiwang tigang ang mga lupa dulot ng kaunting pag-ulan. Kahit malayo ang bayan sa kabihasnan, gumuguhit ito ng palatandaang ang pamumuhay dito ay di nalalayo sa mga mas mauunlad na bayan.

Sumapit ang Agosto na puno ang hapag-kainan ng mga pamilya araw-araw. Para sa mga taga-rito, ang buhay ay naglalaro lamang sa kanilang mga kamay. Nanaising mabuhay hanggang mapigtil ang hininga. Lalabis man ang mga pantasya, sa isip nila ay hindi na aalis pa.

Bukod dito, nakumpleto ang Hinugusan sa pasilidad. May munting ospital na naipagawa ang mga kina-uukulan para sa mga matatandang nagkakaroon ng sakit. Gamit ang mga habi ng pilapil at kawayan, nagsilbing pahingahan ito para sa maraming taga-roon.

Tumatao ang matandang si Igmeo sa harap ng ospital. Lagi niyang bitbit ang kanyang bulok na pluma at pang-Grade one na papel.

Nakaupo siya sa bagong biling lamesa na sanaý ilalagay sa tanggapan ng ospital.

“Aha! A gun powder shortly reached the silencer. He was not a scout ranger. He was an enemy, a villain instead. The gun shot convicted them. The gun shot almost killed me,” banggit ni Igmeo ng may tindig.

Napaturo ang daliri ni Igmeo sa napadaan sa kanyang harapan. “Ikaw. Oo, ikaw. Ituro mo sa akin ang matematika. Ituro mo sa akin ang mga numero. Gusto kong matuto, gusto kong maging maalam,” sabi niya.

“Sige Igmeng, ituturo ko sa iyo ang lahat ng aking nalalaman. Ngunit sa kondisyong ipipikit mo ang iyong mata sa tuwing ikaw ay aking tinuturuan,” sagot ni Leopoldo, iskolar ng Hinugusan.

“Bakit ang hindi, Polding? Baka di mo nababatid na ang iyong mga nakikitang bagay ay maaaring kasinungalingan lamang. Sapagkat sa dilat mong mga mata nadadaya ang limitasyon sa pagguhit ng pantasya at haraya,” ani Igmeng.

Napayukod si Poldeng at humakbang papalayo sa kinatatayuan ni Igmeo. Sa iniwan nitong itsura, siguradong naaamoy ang salot na kumakalat sa karamihan ng mga taga-Hinugusan.

Sa pag-alis ni Leopoldo, nanahan ang pandinig ni Igmeng. Kahit magulo at maingay ang ligid ng ospital, nanatiling tikom ang kinatatayuan niya.

Nagsalubong ang mga daliri ng kanyang mga kamay. Nawala ang tindig at kumuba ang likuran habang naka-sandig sa lamesa. Naglaro ang kanyang mga hinlalaki. Paikot-ikot at pabalik-balik.

Samatala, abala ang lahat sa pagsilang ng isang dalaga sa Hinugusan. May kaunting pagkainis ang matanda sa mga tsismosang nakisali sa panganganak ng babae. Nagulo ang mahimbing niyang pagkakaidlip sa malambot na kama ng ospital.

Katabi nito ang paaralang para sa mga batang may edad sampu hanggang labindalawa. Ang mga edad na ito ay sa tingin ng mga taga-roon ang magiging simula ng papalit-palit na henerasyon.

Mayroong parke sa isang banda ng bayan. Sa loob ng parke ay matatagpuan ang kalat-kalat na mga dahon ng gabi. Nakabilad ang mga ito sa ilalim ng nag-iinit na sikat ng araw. Nakasanayan na ng mga taga-Punta Tabuk ang pagluluto ng laing. Ayon sa kanilang ninuno, mas masarap itong ibilad sa lupa ng parke.

Bukod dito, naroon din ang iba’t ibang likhang sining ng mga estudyante sa Hinugusan.

Sa isa sa mga pader ng parke, naroon nakahanay ang mga likhang sining. Mula sa pinakatuktok, makapit ang pagkakadikit ng papel. Ang may gawa noong mga gawing pinakamataas ay ang mga dating estudyante na ngayon ay kasing-tanda ng kanilang mga lolo at lola.

Bungi-bungi ito sa ngayon. May malaking distansya sa pagitan ng itaas at ng ibaba.